Nagsisilbing inspirasyon ni Buboy Villar ang kaniyang karanasan noon bilang isang magbobote at mangangalakal sa mga nararanasan niyang tagumpay sa buhay.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing binalikan ni Buboy ang kaniyang humble beginnings sa “Updated With Nelson Canlas” podcast.

Lantad na ikinuwento ni Buboy ang pagsisimula niya bilang magbobote at kung paano siya nakapasok sa showbiz.

"'Yun ang parang natutunan ko noong bata ako, kailangan kong gawin ito para pambigas, oo pambigas. Pangkain ito para sa pamilya. Mahirap, kasi galing ako sa nangangalakal eh. Legit," sabi ni Buboy.

"Ako 'yung tagapulot tapos taga-apak sa mga can," dagdag pa ni Buboy.

Gayunman, hindi ikinahihiya ni Buboy ang kaniyang pinanggalingan.

"Thank God dahil naranasan ko 'yung ganoong bagay. Dahil meron akong gasolina from my past na 'Uy nangyari sa akin 'yan.' Kumbaga, hindi ako magja-judge, alam ko kung ano 'yung pinagdaanan niya."

Isa si Buboy sa cast ng “Running Man Philippines,” kung saan kasama niya sa reality TV show sina Glaiza de Castro, Mikael Daez, Ruru Madrid, Lexi Gonzales, Kokoy de Santos at Angel Guardian. — Jamil Santos/VBL, GMA News