Sa kabila ng kanilang paghihiwalay ilang taon na ang nakararaan, inihayag ni Buboy Villar na masaya at nananatiling "close friends" sila ni Angillyn Gorens para sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.

“Masaya, magkaibigan kami kumbaga. Chill lang kami ngayon. Lagi kaming nagkakabiruan, nandoon kami sa stage na ganun. Close friends kami, as in special friend kasi siyempre nanay siya ng mga anak namin, tatay ako ng mga anak namin,” sabi ni Buboy sa GMA News and Public Affairs showbiz podcast na “Updated with Nelson Canlas.”

Dagdag ni Buboy, bagama't hindi maiiwasan ang mga pagsubok sa buhay, nagtutulungan sila ni Angillyn para sa dalawa nilang anak na sina Vlanz Karollyn at George Michael.

“Nagtutulungan kaming dalawa para mas mapanatili namin mabuti yung sarili namin para rin sa mga anak namin. At basta masaya kami ngayon. Happy kami," anang Kapuso comedian.

Ayon kay Buboy, wala raw silang rason para mag-away o magtalo ni Angillyn.

“Wala na kaming dapat pag-awayan, kumbaga wala naman dapat siyang patunayan. Maganda siya, guwapo ako,” biro ni Buboy.

“Magaling siya magluto, talented ako. Kumbaga i-appreciate natin 'yong mga little things natin sa buhay," patuloy ng aktor.

Kasalukuyang napapanood si Buboy na kabilang sa mga "runner" sa "Running Man PH," kada weekend sa GMA-7.--Jamil Santos/FRJ, GMA News