Inilahad ni Kiray Celis na tumigil na siya sa pag-post ng sexy dances sa TikTok, dahil gusto niyang maging responsable lalo na't pabata nang pabata ang mga sumusubaybay sa kaniya.

"Very careful kasi ako sa mga posts ko sa TikTok, sa mga dance ko sa TikTok," sabi ni Kiray sa podcast na “Updated with Nelson Canlas."

"I was so scared, kasi one time may kuya kuya na nagme-message na, 'Alam mo 'yung pamangkin ko super, lahat ng sayaw mo sa TikTok ginagaya niya.' Sabi ko 'How old po?' '3 years old po.' Oh my gosh!" sabi ni Kiray na napakunot ng ulo.

"Ganoon na kababa 'yung mga gumagaya at nanonood sa akin sa TikTok, kaya hindi na ako nagse-sexy dance," pagpapatuloy niya.

Kung kaya naman mga kuwelang sayaw na lang ang pino-post ni Kiray sa kaniyang social media.

"Tinigil ko na po [ang sexy dance]. Kasi na-alarm ako na 'Oh my gosh 3 years old.' Ayoko ring mangyari na maging ganu'n 'yung mga pamangkin ko... Kasi nakikita ko po sa mga pamangkin ko, kung ano 'yung nakikita nila or napapanood nila, ginagaya nila. So ayoko na mangyari na magsisi rin ako sa huli na, isa rin ako sa mga gumawa nu'n eh. As much as possible, nilalayo ko po ang sarili ko sa ganoon."

Ikinagulat daw ni Kiray na pabata nang pabata ang kaniyang fans, hindi tulad noong child star pa siya na mga ka-edaran din niya ang mga nanonood sa kaniya.

"Kailangan kong maging responsible sa mga nanonood sa akin," sabi ni Kiray. —VBL, GMA Integrated News