Nagsalita at naglinaw na si Kiray Celis tungkol sa nangyaring away umano nila ni Mystica sa lock-in taping ng “Owe My Love” noong 2020. Ayon sa kaniya, wala siyang sama ng loob sa kapwa comedianne matapos ang isyu.

“Hindi ko siya nakaaway, nakakatawa di ba?" paglilinaw ni Kiray sa podcast na “Updated with Nelson Canlas."

Ayon kay Kiray, naroon na sa set si Mystica ilang araw bago siya dumating, at nasabihan si Mystica na magiging roommates sila.

“Excited din ako kasi nakakasama ko rin noong bata ako si Ate Mystica, 'pag kunwari nagraraket-raket, kanta-kanta sa mga fiesta,” sabi niya.

Matapos maidlip sa unang araw niya sa set, nagutom si Kiray kaya kinausap niya ang malapit niyang kaibigang si Jason Francisco para makikain. Sinabihan niya rin si Mystica na aalis siya para kumain.

Ngunit kinagabihan nang mag-chat si Mystica sa kanilang group chat, kung saan kasama ang lahat ng mga artista at staff para sa mga importanteng concern.

“Nag-chat siya, sabi niya, ‘Wala dito si Kiray sa kuwarto.’ Sabi ko, ‘Hala, nagpaalam naman ako sa kaniya na pupunta ako kay Kuya Jason na nagugutom po ako,’” paglilinaw ni Kiray.

“Ayoko po isipin na kakarating ko lang doon ng first day, sasabihin naglalakwatsa po ako agad or nagiikot-ikot ako. Natakot ako na, oh my gosh, baka kung anong isipin sa akin ng mga artista dito, mga staff," dagdag niya.

Dahil dito, bumalik na si Kiray sa kanilang kwarto ni Mystica.

"Pagbalik ko ng kwarto sabi niya 'I am not okay, hindi na ako okay,'" sabi umano ni Mystica sa kaniya. "Hala anong nangyari sa'yo ate, sorry po, bakit po?" tugon ni Kiray.

"'Yun pala ayaw niya akong kasama, gusto daw niya ng privacy," paglalahad ni Kiray.

“Tapos tinatanong ako ng mga staff, 'Wala akong ginawa diyan.' Tapos 'yun pala na-ho-homesick siya, kaya umalis din siya sa show, kasi na-ho-homesick pala talaga siya. Gusto niya makita anak niya."

Sa kabila ng nangyari, sinabi ni Kiray na hindi siya galit kay Mystica.

"Wala, hindi na niya ako minessage, pero kung makikita ko siya, hindi naman ako galit sa kaniya. Siguro hindi niya lang ma-explain na ayaw niya ng kasama. Dapat siguro parang diniretso niya ako na, ‘Girl, ayaw kita kasama’ or gusto niya raw kasi ng privacy.”

Ayon kay Kiray, nauunawaan niya kung may mga ayaw ng kasama sa kwarto dahil iba-iba ang mga tao.

Matatandaang pinabulaanan na rin ng produksiyon ng "Owe My Love" ang mga alegasyon ni Mystica sa hindi naging maayos na pagtrato sa kaniya habang nasa lock-in taping show.

Sa simula pa lang, batid na umano ng cast ang panuntunan sa lock-in taping kaugnay ng pag-iingat sa COVID-19. —VBL, GMA Integrated News