Sinalubong ng dating mag-asawa na sina Sunshine Cruz at Cesar Montano ang bagong taon na kasama ang kanilang mga anak.

Sa Instagram, nag-post ng larawan ang isa nilang anak na si Angelina, habang sinasalubong ng pamilya ang bagong taon sa Bohol.

Makikitang masaya sina Cesar at Sunshine sa larawan habang nasa beach kasama ang mga anak.

May mga selfie rin si Angelina na kasama ang kaniyang ama, mga kapatid na sina Chesca at Sam, at half-brother na si Diego Loyzaga.

"Entering 2023 with the right people," saad niya sa caption na may isang black heart emoji.

 

 

May mga larawan din na ibinahagi si Sunshine sa kanilang selebrasyon sa Bohol. Pinasalamatan din niya si Cesar at ang partner ngayon ng aktor na si Kath, sa pag-host sa kanilang dinner.

"Cesar and Kath, thanks for hosting tonight’s dinner," anang aktres. "The girls and I had a wonderful time chatting and catching up with all of you. We’ve missed Bohol and masaya kami na nakasama namin kayo dito sa New Year celebration."

"Once again, Happy New Year everyone from our family to yours," sabi pa ni Sunshine.

Nagkomento rin sa naturang post ang aktres na si Teresa Loyzaga, ang ina ni Diego, at dating nakarelasyon ni Cesar.

"Wow! Happy New Year everyone!! God Bless!!!," saad ng aktres.

 

 

Unang nakitang magkasama muli sa larawan sina Sunshine at Cesar noong nakaraang taon sa 18th birthday ng anak nilang si Sam. Dumalo rin sa naturang okasyon si Kath.

Taong 2018 nang mapawalang-bisa na ang kasal nina Cesar at Sunshine.

Bago matapos ang 2022, nag-post si Sunshine sa social media na nagsasaad na nangibabaw ang "love and forgiveness" sa kanilang pamilya.— FRJ, GMA Integrated News