Niregaluhan ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo ng bahay sa Iloilo ang kaniyang ina. Tuloy-tuloy din ang pagtulong niya sa iba.

Sa Chila Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing may laki na 200-square meter ang property na binili ni Rabiya para sa kaniyang ina.

“Deserve niya po eh. Ilang years din siya nag-sakripisyo for me. Ilang years din siya hindi nakabili ng bagong damit kasi iba yung priority niya pero this time, it’s my time na to give back,” anang "Tiktoclock" host.

Maingat daw sa pera at hindi rin mahilig sa mga mamahaling gamit.

“Ang dami talagang nagsasabi sa’kin na you have to buy this branded item kasi artista ka na. Do’n pa rin ako sa mga simpleng bagay. Instead of buying branded items, ininvest ko siya sa negosyo,” paliwanag niya.

Dahil sa mga biyayang dumarating sa kaniya, patuloy din ang pagtulong niya sa kapuwa lalo na nitong nagdaang Pasko.

“Yung mama ko, palagi niya rin talaga sa’kin nire-remind na ‘anak, alam mo, kailangan kung saan ka nagsimula, lingunin mo talaga.’ I can be a helping hand to other people,” sabi ni Rabiya.

Matapos itanghal na Miss Universe Philippines noong 2020, pinasok naman ni Rabiya ang showbiz kung saan nakikita na siyang nagho-host at umaarte bilang isang Kapuso, maliban pa sa pagiging modelo.-- FRJ, GMA Integrated News