Inimbitahan ni Bea Alonzo sa kaniyang farm sa Zambales ang mga kapitbahay niyang Aeta at ipaghanda niya ang mga ito ng masarap na pagkain.

Sa latest vlog ni Bea, na mapapanood din sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang paghahanda ni Bea ng pagkain kasama ang kapatid niyang si James at asawa si Thalia Agbayani.

Kasama rin ni Bea ang kaniyang Mommy Mary Anne sa paghahanda ng kaniyang surpresa.

Kitang-kita ang pag-e-enjoy ng kaniyang mga bisitang katutubo, gayundin sina Bea sa pinagsaluhan nilang pagkain. Nakadagdag pa rito ang refreshing na scenery sa kanilang farm.

Game na game ring nakikanta at nakisayaw sa mga Aeta si Bea. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News