Sa pagbisita ni Sunshine Guimary sa programang "The Boobay and Tekla Show," natanong ang sexy celebrity kung sino ang crush niyang male celebrity.

Sumalang si Sunshine sa segment na "Guilty or Not Guilty," kung saan sinagot niya ang ilang maiinit na tanong.

Kabilang na kung may nagmemensahe ba sa kaniya sa social media at nag-aalok ng kung anu-ano, at kung ipinapabasa ba niya ito sa kaniyang nobyo.

"Not guilty," tugon ni Sunshine. "Walang password ang phone ko. At the same time, walang nagme-message na ganiyan. Naka-restrict siya."

Pero dahil sa kaniyang kaseksihan, naniniwala ang "Mema Squad" na tiyak na marami ang may gustong mag-alok sa kaniya ng kung ano-ano.

Sinabi rin ni Sunshine na "not guilty" siya sa usapin ng pagsagot o pagpatol sa mga komento ng basher.

"Wala sa version ko ang pumatol talaga," pahayag niya. "Better pa rin yung peace of mind. Napakalaking bagay nun sa akin."

Nang tanungin naman kung nagpapadala siya ng mensahe sa male celebrity na crush niya, sinabi ni Sunshine na "not guilty" rin siya.

Bukod sa mahiyain, sinabi ni Sunshine na si Brad Pitt ang crush niyang aktor.

Pero dahil sa international actor ang binanggit ni Sunshine, tinanong siya kung sino ang local male celebrity na crush niya.

Dito na sinabi ni Sunshine na nakasuot ng kulay purple na kasuotan na kasama nila sa studio ang crush niya na tumutukoy kay Tekla.

Mabilis na komento ni Tekla, "Wag ako, marupok ako."

Bigla pang napabigkas ng panalangin ang natatawang si Tekla dahil tinuran ni Sunshine.

Pero kung "not guilty" ang mga naging sagot ni Sunshine sa mga naunang tanong, "guilty" naman siya sa tanong kung natutulog ba siya nang walang saplot sa katawan. Panoorin ang buong panayam kay Sunshine.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News