Kasama sa mga orihinal na miyembro ng bandang Imago ang singer-songwriter na si Aia De Leon, na kabilang sa mga hit song ang "Sundo" at "Taralets." Bakit nga ba siya biglang kumalas sa banda?

Sa segment na Bawal Judgemental ng "Eat Bulaga" kamakailan, kabilang si Aia sa mga naging guest choices tungkol sa mga dating band vocalist na naging solo artist.

Kasama niya sina Hannah Romawac-Olives na dating miyembro ng SessionRoad, Barbie Almalbis ng dating vocalist ng Barbie's Cradle, at Acel Bisa na dating miyembro ng Moonstar88.

Ayon kay Aia, nasa edad 18 lang siya noon nang maging vocalist ng Imago na itinatag noong 1998.

Pero pagkaraan ng may 13 taon, kumalas na siya sa banda at nagsolo.

Pag-amin ni Aia, hindi siya naging matalino at naging padalos-dalos siya sa kaniyang desisyon noong bata pa siya.

"So medyo abrupt din yung pag-alis ko sa band. Pero in hindsight, masasagot ko na down the line kinailangan ko yung space din away from a band setup to become a solo artist," paliwanag niya.

Idinagdag din ni Aia ang pagkakaroon na niya ng anak. Mga sitwasyon umano na nakabuti rin na maging solo artist siya.

Ngayon, siyam na taon nang solo artist si Aia, na labis na natuwa nang aminin sa kaniya ang dabarkads na si Bianca Umali na isa siyang avid fan nito.

Nag-sample naman si Aia ng kaniyang hit song na "Sundo," tulad din nina Hannah, Barbie at Acel, na nagparinig na kani-kanilang  mga kanta na nakaka-LSS.--FRJ, GMA Integrated News