Ikinasal sa Araw ng mga Puso sina Alodia Gosiengfiao at Christopher Quimbo.

Isa sa mga bridesmaid na si Vernie Enciso ang nagbahagi sa Instagram Stories ng mga video sa nangyaring palitan ng I Do's ng bagong mag-asawa na sineyuhan ng halik.

Nag-post din si Kevin Lapena, boyfriend ng kapatid ni Alodia na si Ashley, na makikita ang groom habang naglalakad patungo sa altar, at maging ang grand entrance ni Alodia.

Si Mak Tumang ang nagdisenyo ng long-sleeved wedding dress ni Alodia, na tinernohan ng wedding boots na disenyo naman ni Doreen Odvina.

 

Ang venue, napuno ng mga bulaklak at mga kumikinang na ceiling lights na disenyo ni Gideon Hermosa.

Namangha naman ang marami sa ganda sa ginawang entrance ni Alodia na makikita ang luminous full moon sa screen.

"Our Valentine's Day bride Alodia is ready to battle!" sabi ni Doreen sa kaniyang post.

July 2022 nang ihayag nina Alodia at Christopher ang kanilang engagement . — FRJ, GMA Integrated News