Kahit ilang taon nang walang karelasyon, sinabi ni Cristine Reyes na masaya siya sa piling ng kaniyang anak na si Amarah.

Sa video ng Kapuso Showbiz News, natanong ang aktres kung hindi ba siya naghahanap ng bagong karelasyon dahil anim na taon na rin siyang single makaraang maghiwalay sila ni Ali Khatibi, na ama ni Amarah.

Bago sumagot, tila napaisip muna nang todo ang aktres.

"Kapag iisipin ko yung nakaraan parang...preno muna," nakangiti niyang sagot.

Dahil sa naturang sagot, natanong si Cristine kung nagka-trauma ba siya sa nakaraan niyang relasyon.

Pero paliwanag ng aktres, hindi nais tawagin na trauma ang nangyari bagkos nagbigay daw iyon sa kaniyang ng lesson na huwag kaagad mahulog ang loob.

Sinabi rin ni Cristine na sa sitwasyon niya ngayon, hindi naman niya nararamdaman na single mom siya.

"Hindi ko nararamdaman na single mom ako kasi I'm happy, e," saad niya. "I think ngayon ko naramdaman na masaya ako with everything. Ganun siguro kapag kontento ka na sa buhay mo. Wala kang hinahangad na masyadong mataas. Kontento ka lang kung anong ibigay sa'yo."

Ayon pa sa aktres, malaking bahagi ng mga ginagawa niyang desisyon sa buhay ang kaniyang anak.

"Siya yung fortress ko. Siya talaga yung kapag loss na ko I would go back titingnan ko lang siya parang napakainosente," paliwanag niya.

Sabi pa ni Cristine, "I'm so happy that I have a child na napakabait, napakatalino."

Taong 2015 nang isilang ni Cristine si Amarah. Taong 2019 naman nang mapabalita ang paghihiwalay nila ni Ali.--FRJ, GMA Integrated News