Malaki ang pasasalamat ni Abdul Raman kay Dennis Trillo matapos magpaabot ng pinansyal na tumulong ang “Maria Clara at Ibarra” actor para sa kaniyang inang na-stroke.

“Noong nakita niya po kasi ‘yung post ko, nagpadala po kasi siya kaagad. Nag-text po siya, ‘Hey Abdul how are you? I will be sending x amount.’ Tapos ayun nga, nagpadala siya. Isang beses lang po akong nag-ask sa kaniya sa text,” sabi ni Abdul sa isang panayam sa Kapuso Showbiz News.

“It was when ginamit ko na po ‘yung buong savings and nagamit na po ‘yung donations sa mom ko for her hospital bills. It was this time na sobrang gipit ako, nagpadala siya just for me. Hanggang ngayon sobrang thankful pa rin ako kasi kung wala po siya, I think hindi ko po kinaya ‘yun,” pagpapatuloy ni Abdul.

Matatandaang humingi ng pinansyal na tulong si Abdul matapos ma-stroke ang kaniyang ina noong 2021.

Noong taon na iyon, magkatrabaho sila ni Dennis para sa Kapuso drama romance series na “Legal Wives.”

“Right now hindi ko na po kasi masyado siya mine-message kasi nahihiya po ako. Kung meron man akong gustong sabihin sa kaniya, is sobrang sobrang thankful ako kay Sir Dennis, and I’m really, really proud na nakasama ko po kayo and I’m so, so happy sa kaniyang show, ‘yung Maria Clara at Ibarra. Sobrang galing niya po,” sabi ni Abdul, na hiling na magkasama silang muli sa isang proyekto.

“Sobrang special po sa akin si Kuya Dennis kasi naging inspiration po siya sa akin to keep going forward,” ayon sa Starstruck alumnus.

Bumuti na ang lagay ng ina ni Abdul matapos itong maoperahan. — VBL, GMA Integrated News