Nanawagan ng panalangin at pinansyal na tulong ang pamilya ni Starstruck Season 4 Avenger Jan Manual matapos maaksidente sa kaniyang kotse ang aktor at magtamo ng injury sa ulo.
 
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras Weekend" nitong Sabado, inilahad ng asawa ni Jan na si Jamey Manual na patungo sila ng ospital para pabakunahan ang kanilang dalawang buwang gulang na sanggol.
 
Pero habang nakapreno ang kotse, umarangkada ito sa pababang bahagi ng daan.
 
Pinigilan ni Jan ang kotse dahil hindi gumagana ang handbrake, ngunit naipit siya nang bumangga ito sa poste.
 
“Swerte talaga na walang galos ‘yung baby ko na hawak-hawak ko, yakap-yakap ko. Tapos nakita ko na lang si Jan na bumangga na sa poste ‘yung kotse, sumisigaw siya tapos duguan na po siya,” sabi ni Jamey.
 
Sumailalim si Jan sa ilang procedure at patuloy na inoobserbahan.
 
“Chineck kung merong tama sa pinaka-brain. Thank God kasi nag-undergo lang siya ng minor surgery. Lumobo ang cheeks niya kasi nga po ang lakas ng tama dito. Tapos maga ‘yung right ear niya,” kuwento ni Jamey.
 
Kaya humihingi sila ng mga dasal at tulong pinansyal para sa mga kailangang procedure ni Jan.
 
“Prayers po and of course, ‘yung love natin kay Jan, ‘yun po ang mahalaga na tulong talaga,” sabi ni Jamey. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News