Sa programang "The Boobay and Tekla Show," inihayag nina Buboy Villar at Jelai Andres ang tungkol sa kanilang kasunduan. Ano nga ba talaga ang real score sa kanilang relasyon? Alamin.

Ayon kay Buboy, isang babae na hindi mahirap mahalin si Jelai at hindi mahirap alagaan.

"Sinabi ko na sa kaniya 'to dati na birthday ko, si Jelai po talaga hindi siya mahirap mahalin. Napakadali niyang mahalin at napakadali niyang alagaan. Totoo 'yon," anang aktor.

Para kay Buboy, sobrang special ni Jelai sa kaniya ngayon at hindi kung dumating man ang panahon ay liligawan niya ang comedianne.

"Kasi sa mga panahon na sobrang down na down ako, punong-puno ako ng problema in my family, in my relationship, si Jelai nagpakita sa akin na kahit anong problemang dumaan, na masakit man, sinaktan ka, nanatili pa rin siyang maganda. Kahit nagmukha siyang bungo dati, nanatili pa rin siyang maganda," sabi ni Buboy.

Tinawag din ng aktor na perpekto si Jelai na hangad din ng ibang lalaki na magkaroon ng kanilang Jelai Andres.

Paliwanag naman ni Jelai, ini-enjoy nila ni Buboy ang company ng isa't isa bilang mag-best friend.

"Nagkaroon ako ng tao na komportable ako, tapos mapagkakatiwalaan ko talaga sa lahat ng bagay. Super lucky ako," emosyonal na pahayag ni Jelai.

"Masaya ako, saka nagpapasalamat ako kay God na nakilala ko si Buboy. Kasi dati, hindi ako naniniwala na may babae saka lalaki na mag-best friend. Dati sinasabi ko na, 'hindi isa diyan may gusto. Hindi mag-ano 'yan, may secret lang sila.' Pero totoo pala kasi nangyari sa akin," anang aktres.

"Totoo palang puwede 'yon na ang kaibigan mo parang laging gusto mong kasama siya, yung pinagkakatiwalaan mo, saka gusto mong makita lagi," patuloy niya.

Ayon kay Jelai, hindi ko na niya kailangan ng jowa dahil nandyan si Buboy na nakakaintindi sa kaniya at nasasabihan niya ng lahat ng bagay kahit usapan na pang-babae.

"Saka nag-usap na kami. Kapag 50-years-old na kami tapos parehas wala pa kaming asawa, kami na lang yung magiging mag-asawa," ani Jelai na inayunan naman ni Buboy.

Payo ni Jelai sa mga babae, maghanap din ng kaibigan na katulad ng isang Buboy Villar na hindi maiinggit at gustong umangat at mapabuti ang kaibigan.

Sinabi pa ni Buboy na kahit magkaroon siya ng nobya ay hindi niya kakalimutan at pababayaan si Jelai.

"Si Jelai, hindi ko na pakakawalan pa," ani Buboy. --FRJ, GMA Integrated News