Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, inihayag ni Hailey Mendes na nais niyang makilala ang kaniyang ama na isang Aleman, at maranasan ang pagkakaroon ng isang buong pamilya.

Ayon sa host na si Tito Boy, pare-parehong pinalaki at itinaguyod sina Hailey at kapwa niya "Underage" stars na sina Lexi Gonzales at Elijah Alejo, ng kani-kanilang mga ina na single mother.

Inihayag ni Hailey na kahit lumaki siya na walang ama, naging maayos naman ang pag-aalaga sa kaniya ng kaniyang lolo at lola.

"Hindi naman po sobrang hirap. Kasi hindi ko inisip na wala akong tatay dahil ang nag-alaga po talaga sa akin before is si lola ko and lolo," sabi ni Hailey nang kumustahin ni Tito Boy ang kaniyang karanasan habang lumalaki.

Anang aktres, naiwan siya sa pangangalaga noon ng kaniyang lolo at lola sa Masbate, habang nagtatrabaho sa Maynila ang kaniyang ina.

Tinanong ni Tito Boy si Hailey kung wala bang point sa kaniyang buhay na hinanap niya ang kaniyang ama o kung naghanap siya ng father figure.

"Lately po, nagwa-wonder lang ako, ano kaya ang feeling na buo ang pamilya niyo?" sabi ni Hailey.

Tinanong din ni Tito Boy si Hailey kung may nais ba silang itanong sa kanilang mga ama kung sakaling nanonood ang mga ito.

Madamdaming tanong ni Hailey para sa kaniyang ama, "Ayaw mo ba talaga akong makilala?"

Sa naturang panayam, nilinaw ni Hailey na hindi siya galit sa kaniyang ama.

"Pa, kung nasaan ka man, mag-iingat ka lagi. Hindi ako galit sa 'yo. Gusto lang kitang makilala. Pero kung hindi man pagbibigyan ng chance, okay lang din. Mag-iingat ka lang," mensahe niya sa ama.--FRJ, GMA Integrated News