Gumawa ng paraan si Khalil Ramos para makapagdiwang sila ni Gabbi Garcia ng ika-anim na anibersaryo ng kanilang relasyon, nang magkapagpadala siya ng surprise gift sa aktres, na nasa Europe para sa isang proyekto.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing halos isang buwan na mula nang huling magkita sina Khalil at Gabbi.

Nagtungo sa Europe si Gabbi para sa taping ng upcoming groundbreaking series na “Unbreak My Heart” sa GMA.

Going strong ang Kapuso couple kahit na nasa isang long-distance relationship.

“Pinadalahan ko siya ng flowers… Nakakita ako ng delivery doon sa Italy ng flowers. ‘Yung small things lang naman would go a long way,” sabi ni Khalil.

“Ang time zone magkaiba, so doon pa lang noong paglipad niya, I had to adjust siyempre, I have to wake up earlier para maabutan ko siya bago siya matulog and vice versa. I’d stay up late para maabutan ko siya magising. Si Gab, isa sa mga love language niya talaga is affection,” pagbabahagi ni Khalil.

Gayunman, pauwi na si Gabbi at may mga nakakasa na silang date ni Khalil.

“Na-miss namin ang isa’t isa. We have a couple of dinners planned na. Very excited to finally see her again,” anang Kapuso actor.

Masaya si Khalil para sa mga bagong endeavor ni Gabbi, dahil ibinibigay pa rin ni Gabbi ang best effort para sa series kahit pagod, subsob sa tapings, at wala sa kaniyang comfort zone.

“Araw-araw din kaming magkausap. Talagang nakita ko kung gaano siya kapagod din. Siyempre everyday ang work, pero lagi kong sinasabi sa kaniya, I’m very, very proud of her and ako mismo I’m excited for everyone to see mga Kapuso natin na mapanood siya dito. Nakita ko ‘yung dedication na ibinigay niya, ‘yung hard work niya para sa project na ito,” sabi ni Khalil. — VBL, GMA Integrated News