Nakagawa ng kasaysayan ang pop star na si Katy Perry kasama ang isang all-female crew, matapos silang makarating sa space at makabalik sa Earth.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, sinabing kasama ni Katy sa flight ang film producer na si Kerianne Flynn, media personality Gayle King, mga scientist na sina Aisha Bowe at Amanda Nguyen at journalist Lauren Sanchez.

Sakay sila ng Blue Origin rocket na ni-launch nitong Lunes sa Texas, U.S.A.

Matagumpay itong nag-lift-off pasado 9 a.m. at nakarating ang kanilang rocket mahigit 300,000 feet ang layo mula sa Earth.

Nang marating ang space, naranasan ng grupo ang zero gravity sa loob ng apat na minuto, at nag-enjoy na nagpalutang-lutang.

Gaya ng breath-taking na pag-launch, makapigil-hininga rin ang bawat segundo ng grupo sa pagbalik nila sa Earth.

Maririnig ang sigaw nina Katy habang humihiwalay sa main rocket ang capsule.

Ligtas namang nakapag-landing ang crew. At sa tuwa ni Katy nang makalapag sila, hinalikan niya ang lupa.

"This experience is second to being a mom. And to go to space is incredible and I wanted to model courage and worthiness and fearlessness," sabi ng E.T. singer.

Tumagal ng 11 minuto ang space flight nina Katy. Sila ang unang all-female crew na nakarating sa space sa higit anim na dekada nang mag-solo flight rin sa space ang Russian astronaut na si Valentina Tereshkova.

Ang Blue Origin rocket ay pagmamay-ari ng Amazon founder na si Jeff Bezos at bahagi ng New Shepard Mission NS-31.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News