Sa programang “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, sinagot at may nilinaw ng Kapuso actor na si Kristoffer Martin tungkol sa anak nila ni AC Banzon na si Precious Christine o Pré.

Ayon kay Kristoffer, hindi nila itinago ni AC sa publiko ang kanilang anak, at hindi naman niya itatanggi kung may magtatanong tungkol sa kaniyang anak.

“Hindi namin itinago naman. Ang pinag-usapan kasi namin ni AC noon, ‘Andiyan na…’ Eh bata pa po kami, hindi pa po kami kasal. Ang unang unang papasok bilang artista, ‘Paano ‘yung career ko?’ [Mababawasan] ‘yung projects. Ganoon ang mga initial [thoughts] namin, buntis pa lang po,” ayon kay Kristoffer.

Handa naman daw silang sumagot kung sakaling may magtatanong tungkol sa anak nila ni AC.

“Kasi noong lumabas tapos siyempre lumaki na, lumalabas kami as family. Ang number one rule ko po noon na kapag may nakakita sa amin, kapag may nagtanong ‘Anak niyo po ‘yan?’ Sasabihin ko po ‘Opo.’ Hindi ko siya tinatago, hindi ko lang siya pinublic,” paliwanag ng aktor.

“Never pong nag-deny,” dagdag pa ni Martin na kasama sa Kapuso series na “Mga Lihim ni Urduja.”

Buhay may-asawa

Ngayong kasal na, inilahad ni Kristoffer na mas nag-mature pa ang relasyon nila ni AC.

“Kailangan kasi as one kayo lagi, lalo na po ako, kasal po ako sa asawa ko. Kumbaga lahat ng desisyon niyo sa buhay as one talaga kayo kikilos. ‘Yung mga decision niyo hindi puwedeng ‘Ako na lang’ kasi napagdaanan ko ‘yun eh, I’ve been selfish noong dati, years ago.”

“Pero ngayon natutunan ko na ‘yung lesson doon, is kailangan kikilos kayo na magkasama. Hindi puwedeng ‘hindi, ito ‘yung gagawin natin.’ Pag-usapan niyo, mag-meet kayo halfway, laging ganoon para hindi kayo nagkokontrahan lagi,” dagdag ni Kristoffer.

Bukod dito, natuto sila ni AC na humingi ng paumanhin sa kanilang mga pagkakamali.

“Kung iko-compare sa amin ni AC noong mga kabataan namin para talaga kaming bata, kapag nag-aaway, hiwalay. Pero ngayong mag-asawa na kami, ang bilis nang mag-sorry. Siguro noong kinasal kami, ‘yun ang sinasabi nilang blessing ng marriage eh, na once kinasal kayo sobrang mag-iiba ‘yung relationship ninyo.”

Ikinasal sina Kristoffer at AC noong nakaraang taon sa isang civil ceremony sa Capas, Tarlac.-- FRJ, GMA Integrated News