Sa programang "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, ikinuwento ng King of Talk kay Arra San Agustin na sinabi sa kaniya noon ni David Licauco na may crush siya sa aktres.

“Basted? Binigyan ng pag-asa? What happened?” tanong ni Tito Boy kay Arra.

Ayon kay Arra, magkakilala na sila ni David noong college pa lang sila.

“Si David po kasi since college kilala ko na po siya, tapos ‘yung cousin niya naging kaklase ko rin sa La Salle. Noong college, nagkaroon lang ng time na, nag-usap lang kami for a while, sobrang bilis lang po, tapos nawala na rin,” kuwento ni Arra.

“Sa college ang daming distractions masyado eh, ang dami naming ginagawa,” pagpapatuloy niya.

“Pero nagparamdam?” tanong ni Tito Boy.

“Nagparamdam po ng very slight lang,” pag-amin ni Arra.

“But it didn’t progress to anything” follow-up na tanong ng King of Talk.

“No,” sagot ni Arra.

Kasalukuyang single si David, na nagsabi kamakailan na cute and simple ang tipo ng babae.

Samantala, sinabi ni Arra na naghiwalay na sila ng kaniyang dating nobyo na PBA player na si Juami Tiongson.

Napapanood si Arra sa Kapuso drama fantasy series na “Mga Lihim na Urduja" pagkatapos ng GMA News "24 Oras." -- FRJ, GMA Integrated News