Matapos ang hit movie nilang "Kita Kita," balik-tambalan sina Alessandra De Rossi at Empoy Marquez sa "Walang KaParis." Sa trailer nito, mapapaisip na kaagad ang mga manonood.

Ang Amazon Original film ay tungkol kay Jojo (Empoy), isang Filipino artist na nakabase sa Paris.

Muli niyang makakatagpo sa Paris si Marie (Alessandra), na kakilala na niyang mula pa noong high school sa Pilipinas.

Magtatapat si Marie ng damdamin niya kay Jojo, pero tila hindi ito tatanggapin ng binata na pabago-bago ng gusto, at hindi niya nais sirain ang maganda nilang samahan.

Ngunit may mangyayari na magpapabago sa lahat na tila si Jojo naman ang maghahabol kay Marie.

Muli ring makakasama nina Alessandra at Empoy sa pelikula ang direktor nila sa 2017 movie na "Kita Kita" na si Sigrid Andrea Bernardo.

Produced ng Spring Films at Viva Films, mapapanood ang “Walang KaParis” via streaming sa Amazon Prime Video simula sa March 23 sa 240 countries and territories worldwide. --FRJ, GMA Integrated News