Pangungunahan ni Dingdong Dantes ang star-studded cast ng upcoming GMA Public Affairs film na “Firefly” tungkol sa isang mahiwagang isla ng mga alitaptap.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, inihayag ni Dingdong ang kasiyahan na matutuloy na ang naturang proyekto.

“Napakagandang kuwento po nito. Before pandemic pa lang po, nadinig ko na ang kuwentong ‘to and napakapalad ko na na-share sa atin ‘tong project na ‘to,” sabi ng Kapuso Primetime King.

Sa direksiyon ni Zig Dulay, kasama rin sa pelikula sina Max Collins, Epi Quizon, Alessandra de Rossi, Yayo Aguia, Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, at Cherry Pie Picache.

Samantala, bukod sa nasabing pelikula, may gagawin ding upcoming TV series si Dingdong.

“It’s also something na very very interesting yung kwento,” anang aktor. “Mas excited po ako.”

Napapanood ngayon si Dingdong bilang host ng game show na “Family Feud Philippines” weekdays bago mag-“24 Oras.” --FRJ, GMA Integrated News