Biglaan ang pagpapakilala sa publiko ni Klea Pineda sa kaniyang girlfriend na si Katrice Kierulf, na isang ring motorcycle enthusiast na katulad ng aktres.

Habang kinakapanayam sa "Fast Talk with Boy Abunda" si Klea kaugnay sa paglantad ng aktres na miyembro siya ng LGBT community, nalaman ng King of Talk na nasa studio si Katrice.

Kaya naman tinanong ni Tito Boy kung puwedeng humarap din si Katrice sa camera at magpaunlak ng panayam sa programa.

Pumayag naman si Katrice at tinanong siya ni Tito Boy kung ano ang nararamdaman niya habang kinakapanayam niya si Klea.

"Naiiyak ako Tito Boy kasi finally she made it, she's speaking her truth already to everyone and I'm so proud of her, so very heartfelt talaga 'yung desisyon n'yo na 'to," sabi ni Katrice.

Ayon kay Katrice, hanga siya kay Klea sa pagiging matapang nito sa ginawang desisyon na  itinuturing "make or break" sa kaniyang showbiz career.

"Do know that we're always here for you. Me, your family, your friends and God," mensahe niya kay Klea. 

Tinanong din ni Tito Boy si Klea kung ikinonsidera ba niya sa Katrice sa kaniyang naging desisyon na mag-out.

"Na-excite siya for me, sobrang supportive niya sa akin and in-ask ko siya kung OK lang sa kanya kasi once na nag-out ako, mag-a-out na rin siya sa public," sabi ng aktres.

"Ang sagot niya sa akin Tito Boy hinihintay lang naman kita," saad niya. "She's very supportive talaga ever since, since day one."

Nang tanungin kung ano ang mensahe niya kay Katrice, sabi ni Klea, "Thank you for everything, hon. Thank you and I love you so much."

Ginawa ni Klea ang pag-out bilang lesbian sa kaniyang 24th birthday. Una nang ikinuwento ng aktres na nagkakilala sila ni Katrice sa Tiktok.

"Nakita ko lang siya sa TikTok and hindi ko ine-expect na meron kaming common friend. And then kinulit ko na 'tong si common friend namin," sabi ni Klea sa latest episode ng "Updated With Nelson Canlas."

"Ako naman magfi-first move and then wala naman akong idea na kung she's into girls ba or wala akong kaide-idea. I'm just shooting my shot kumbaga," dagdag pa ng "AraBella" star. —FRJ, GMA Integrated News