Kalunos-lunos ang sinapit ng isang rider na sumemplang nang masagasaan ang isang aso na biglang tumawid sa Cotabato. Ang biktimang rider, nasawi matapos na ilang beses namang masagasaan ng iba pang motorsiklo.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa madilim na bahagi ng national highway sa Midsayap, Cotabato

Sa CCTV footage, makikita ang biglang pagtawid ng aso na nasagasaan ng biktima, na kalaunan ay sumemplang at hindi na nakatayo.

Ilang saglit lang, dalawang motorsiklo ang magkasunod na nakasagasa sa biktima na nakahandusay sa daan na madalim.

Bagaman may ilang motorista na nakapansin na sa biktima, nasa dalawang motorsiklo pa ang nakasagasa pa ulit sa biktima.

Ayon sa pulisya, ang ilang beses na pagkakasagasa ang dahilan ng pagkasawi ng biktima.

Dahil sa nangyari sa biktima, sinabi ng pulisya na maaaring papanagutin ang mga rider na nakasagasa sa biktima.

Pero sa report din ng pulisya, nakasaad umano na wala nang balak na magsampa pa ng kaso ang pamilya ng biktima. – FRJ GMA News