Isa sa lesson na natutunan ni Jasmine Curtis-Smith sa nangyaring COVID-19 pandemic ang pagpapahalaga sa pamilya.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, inihayag ni Jasmine na mas na-a-appreciate niya ngayon ang ipinapakitang pagmamahal sa kaniya ng amang si James Ernest Curtis-Smith, lalo na nang dumalaw ito sa kaniya sa taping gamit ang motorsiklo sa kabila ng edad nito.
“Lahat tayo I think ‘yun ang biggest learning during the pandemic. Nasobrahan tayo sa hustle-bustle, ratsada, tuloy-tuloy na work. ‘Kailangan ganito,’ ‘Kailangan mag-ipon.’ Pero ‘yung small moments with family, ngayon mas nabibigyan ko na siya ng presence,” sabi ng aktres.
Kaya naman mas binibigyan halaga na raw ngayon ni Jasmine ang ipinapakitang pagmamahal sa kaniya ng kaniyang ama.
“Dumalaw the other day si daddy sa set ko. Parang nakakagulat na ‘Wow, you’re actually here. You took the time.’ Before, it would be as quick as ‘Ah, okay nandiyan si daddy. Hello, nice to see you here.’ Hindi na ngayon,” saad ng Kapuso actress.
Mas humanga pa si Jasmine sa sakripisyo ng ama sa kabila ng edad nito.
“He took the time at that age, nagmotor siya mismo to come to my set, he took the time and the effort even if he didn’t have to. I mean, just appreciating those moments and making sure that they are healthy, they are happy. That’s what matters most now to me,” masaya niyang pagbahagi.
Bukod sa ama, masaya rin si Jasmine para sa ina na si Carmen Ojales Curtis-Smith, na in love ngayon sa isang “May-December” affair.
“Very happy, very much in love. Just youthful. Iba ‘yung energy. We love you Ma!,” komento ni Jasmine.
Ayon sa ulat ng Pep.ph, very vocal ang ina nina Jasmine at Anne sa pagpapahayag ng kaniyang bagong pag-ibig na madalas nitong i-share sa TikTok account niya.
Sa maiiksing caption at hashtags na kanyang ginagamit, naibabahagi ni Carmen ang ilang detalye ukol sa masaya niyang love life.
Nagpapakatotoo si Carmen na “May-December affair” at “LDR” o long-distance relationship ang kaniyang lovelife.
Nasa 60s na si Carmen, na nasa Australia, habang ang lalaki ay nasa early 40s ang edad, na nasa Dubai, UAE.--FRJ, GMA Integrated News
