Naglaban ang pink at blue "dinosaurs" para malaman kung girl o boy ang first baby ng mag-asawang Kris Bernal at Perry Choi.

Sa vlog ni Kris, makikita ang dalawang tao na inupahan nila na maging dinosaur mascot sa isinagawa nilang gender reveal sa isang rooftop sa Pasay City.

Hanggang tatlong round daw dapat maglalaban ang dalawang dino pero ginawa na lang itong dalawang round dahil sa papalubog na ang araw.

At nang magsagupa na ang dalawang dinosaurs, ang pink ang nagwagi sa dalawang round--na ang ibig sabihin, babae ang magiging first baby nina Kris at Perry.

Ayon kay Kris, si Perry ang nakaisip ng pakulo na magkaroon ng dinosaurs sa gender reveal. Aniya, fireworks umano ang kaniyang naging suggestion noong una.

"Answered prayer talaga. 'Yun nga, gusto ko girl kasi gusto ko bihisan, pero gusto ko rin ng boy kasi gusto ko may kalaro din 'yung mga pamangkin ko na boys, puro boys," saad ng aktres.

Mayroon na umanong naisip na pangalan sina Kris at Perry para sa baby pero hindi muna nila ito inihayag.

May isinagawa ring games sina Kris at Perry para sa kanilang mga naging bisita sa party na intimate umano. Magkakaroon din daw sila ng baby shower na mas malaking paghahanda ang gagawin.

Nitong nakaraang Marso nang ibahagi nina Kris at Perry na magkakaroon na sila ng baby. --FRJ, GMA Integrated News