Nagpahayag ng pagmamahal ang mga celebrity kay Miles Ocampo na sumailalim kamakailan sa operasyon matapos matuklasan ang pagkakaroon niya ng papillary thyroid carcinoma na isang uri ng cancer.

Sa kaniyang social media page, bumuhos ang pagmamahal at dasal ng kaniyang mga follower at maging ng mga kapuwa celeb para sa mabilis na paggaling ni Miles.

Si Kris Aquino, nag-iwan ng mensahe sa comment section na, "We love you Ate."

Hindi rin nawala ang mga mensahe at heart emojis ng mga kapuwa dabarkads ni Miles sa "Eat Bulaga" gaya nina Maine Mendoza, Maja Salvador at Ryzza Mae Dizon.

Nagpahayag din ng kanilang pagmamahal kay Miles sina Ciara Sotto, Darren Espanto at Matet del Rosario-Estrada.

Sabi naman ni Miss Universe PH 2009 at Sparkle Star Bianca Manalo, "Sending love, my little juanita."

Mensahe naman ni Bela Padilla, "Always in my thoughts, Milesky. you’ll feel great again soon."

Bilin naman ni Sparkle star Lovely Abella, "Laban Ga" at "Praying for you." At si Kakai Bautista naman, "STRONG!!!!!"

Nag-iwan naman si Charlene Gonzalez-Muhlach ng dalawang puting heart emojis at may kasama nagdarasal na emoji.

Nitong weekend, nag-post sa Instagram si Miles tungkol sa kaniyang kalusugan.  Ibinahagi niya kung ano ang mga sintomas na kaniyang naramdaman bago matuklasan ang kaniyang sakit.

Aniya, "waking up in the middle of the night cause I can’t breathe, I get tired so easily, sooooo frustrated with my weight gain, para akong palaging hapong-hapo and sinasakal."

"PS: with or without any health conditions, no to body shaming. be kind. always," dagdag niya.

 

 

— FRJ, GMA Integrated News