Ikinuwento ni Dolly De Leon na isa si Eugene Domingo sa mga malalapit niyang kaibigan sa hirap at ginhawa ng buhay. Katunayan, si Uge pa ang nagbayad ng tuition ng kaniyang anak ng tatlong taon.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, sinabi ni Dolly, na kabarkada na niya si Eugene mula pa pagkabata hanggang sa pagdadalaga, at nagkasama sila sa Theater Arts sa UP.

Hanggang sa dumanas ng mga pagsubok si Dolly sa buhay.

“At the time when I was going through really hard times... Kasi Kuya Boy may time talaga na wala na talaga akong pambayad ng kuryente, napatigil ‘yung anak ko sa pag-aaral dahil wala akong pambayad ng tuition,” paglalahad ng aktres.

Isa raw si Eugene sa mga tumulong sa kaniya.

"A lot of friends came to support me. Uge's one of them. She paid for my son's tuition for three years," saad ng Los Angeles Critics Award best supporting actress.

"She never left. Even if she reached that superstardom level already, she was always a friend. She was always, you know, Uge as we know her. Totoong kaibigan ang tingin ko talaga sa kanya," patuloy ni Dolly.

Bukod dito, pinayuhan din siya ni Eugene sa kaniyang mga paghahanda sa mga awards, matapos ang kaniyang historic na nominasyon sa Golden Globes at British Academy of Film and Television Arts (BAFTAs).

"Kumbaga, dinaanan niya 'to eh so alam niya kung anong gagawin," saad ni Dolly.

"Binigyan niya ako ng tips on—I know it sounds mababaw—pero binigay niya akong tips kung anong sapatos susuotin. 'Magbaon ka lagi ng flats,' ganyan," sabi niya.

Natapos na ni Dolly ang kaniyang bagong Hollywood movie na "Grand Death Lotto," kasama sina Simu Liu, Awkwafina, at John Cena. -- FRJ, GMA Integrated News