Inihayag ni Valeen Montenegro na kung mayroon man siyang pinanghuhugutan ng emosyon para sa mga iyakan na eksena, ito ay walang iba kundi ang kaniyang mahigit 70-anyos nang yaya, na nag-alaga sa kaniya mula pa noong pagkabata.

“Siya ‘yung normally shortcut ko to having that emotion out, kapag nagmamadali na or ‘pag anong oras na ng gabi. Kasi I grew up with her, as in siya ‘yung pinaka mother figure ko rin,” kuwento ni Valeen sa online talk show na “Just In.”

“Siya ‘yung sumasama sa akin sa VTRs, commercials, as in magdamag, ‘yung before sa ABS-CBN pa ako, as in lahat talaga ng shows ko kasama siya,” pag-alala pa ni Valeen.

Ayon kay Valeen, hilig talaga ng kaniyang yaya na sumasama noon sa kaniyang mga audition.

“Siya ‘yung may interest talaga, as in gustong gusto niya talagang sumama. Super.”

Ngayong malaki na si Valeen, ang anak ng kaniyang kapatid na ngayon ang inaalagaan ng kaniyang yaya.

“Feeling ko hindi niya kayang iwan ‘yung nephew ko, sobrang love niya. As in next generation na talaga siya,” sabi ni Valeen.

Hindi na rin daw nag-asawa ang kaniyang yaya.

“Kami na ‘yung family niya,” saad ng Bubble Gang babe.

Sumusunod sa yapak niya ang kaniyang kapatid, na inaalagaan ang kaniyang pamangkin.

 

—LBG, GMA Integrated News