Naghahanda na ang aktor na si Gardo Versoza sa ikalawang angioplasty procedure na kailangang gawin sa kaniya. Noong nakaraang Marso, dinala sa ospital ang aktor matapos atakihin sa puso.

READ: Gardo Versoza, nagpapagaling sa ospital matapos atakihin sa puso

Sa Instagram, nag-post ng video si Gardo na nagsasayaw at makikita sa likod ang kaniyang gym equipment na kaniyang ibinebenta.

Sa caption ng post, ipinaliwanag ng aktor na ang dahilan ng pagbebenta niya ng gym equipment ay para makalikom ng pondo para sa kaniyang ikalawang angioplasty procedure.

“For sale all-in-one gym equipment compact ideal for condo RFS need to raise funds for 2nd angioplasty procedure… Thank you, LORD. I miss dancing,” saad niya.

 

 

Matatandaan na ilang araw makaraang makalabas ng ospital si Gardo, sinabi ni Ivy, asawa ni Gardo, na muling sasailalim sa isa pang angioplasty procedure ang aktor pagkaraan ng dalawang buwan.

Sinabi ni Ivy na hindi ginawa nang sabay ang procedure dahil may heart attack na nangyayari kay Gardo.

Naging maayos naman ang unang procedure kay Gardo na ibinahagi pa niya ang kaniyang recovery sa pamamagitan ng pagsayaw.

May nakakaaliw pang komento si Gardo sa sexy photos ni Sue Ramirez na naka-post sa social media na nagpasaya sa netizens.

"Bumilis tibok ng puso ko cupcake," saad ng aktor sa comment section na may kasamang fire, heart at cupcake emojis. -- FRJ, GMA Integrated News