Kung sikat sa katatawanan ang mga duo nina Dolphy at Babalu, Babalu at Redford White, at Ogie Alcasid at Michael V., hiniling nina Chariz Solomon at Valeen Montenegro na magkaroon din ng mga babaeng comedic duo sa telebisyon balang araw.

“Alam mo wala tayong duo na babae na komedyante,” pag-obserba ni Chariz sa Philippine comedy sa online talk show na “Just In.”

“Gusto ko talaga na magkaroon ng duo na babae. Kasi in meron na tayong icons na AiAi (delas Alas), Eugene Domingo, Pokwang,” dagdag niya.

“Wala tayong [duo na babae]. [Katulad ng] parang Bitoy-Ogie, si Babalu-Redford,” ayon kay Chariz. “Para maiba. Káya eh.”

Kinagigiliwan ng netizens ang tandem nina Chariz at Valeen bilang sina Mommy Karen at Mommy Vicky sa comedic sketch na “Balitang Ina” sa longest-running Kapuso gag show na Bubble Gang.

“Alam mo, ngayon lang ako nakilala talaga dahil doon sa ‘Balitang Ina’ sa Bubble Gang. Tsaka siyempre sa Pepito [Manaloto],” sabi ni Chariz.

Inihayag ni Paolo ang kaniyang paghanga sa galing sa comedy ng kaniyang “Bubble Gang” co-stars. Ayon kay Paolo, gusto niyang magkaroon sina Chariz at Valeen ng isang comedic series.

“Ako, gusto ko, lalo sa inyo, ang galing niyo eh,” saad ng Just In host.

Pero para kina Chariz at Valeen, masaya na silang katrabaho nila ang mga magagaling na komedyante sa industriya, tulad ni Paolo at Bitoy.

“Ako, masaya na kasi kami sa mundo natin na kayo ‘yung ka-work namin. And ‘yung level, elbow to elbow tayo,” sabi ni Chariz.

“Contented,” sabi naman ni Valeen. — DVM, GMA Integrated News