Inilahad ni Gabbi Garcia na pangarap niya mula pa noong pagkabata na maging isang beauty queen. Ngayong nasa tamang edad na, tuparin na kaya niya ang naturang pangarap?

“Oo o hindi. Sasali ka ba ng beauty contest?” diretsahang tanong ni Tito Boy kay Gabbi sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

“If the time is right,” sagot ni Gabbi.

Sa Fast Talk segment din, inilahad ni Gabbi na childhood dream niya na maging isang beauty queen at ito rin ang kaniyang dream role.

Sa ngayon, isang global endorser si Gabbi, gaya ng hair care brand at mobile phone.

Tinanong din ni Tito Boy si Gabbi kung naniniwala siya sa destiny.

“I do believe in destiny. Yes because I remember my mom would always tell me, especially when I was younger lalo na kapag nare-reject ako… Kasi lagi akong nire-reject noong bata ako kasi hindi ako masyadong magaling noong bata ako,” anang aktres.

“Pero full of confidence ako noong bata ako. My mom would always tell me ‘Kung para sa ‘yo, para sa ‘yo.’ So for me that’s destiny,” dagdag niya.

Ilan sa mga Kapuso star na naging beauty queen ay sina Megan Young, Winwyn Marquez, Maxine Medina,  Thia Thomalla, Kelley Day, at Michelle Dee, na itinanghal kamakailan na Miss Universe Philippines. --FRJ, GMA Integrated News