Sinabi ni Gabbi Garcia na "most mature" role niya ang karakter ni Alexandra na ginampanan niya sa upcoming series na "Unbreak My Heart," na katambal niya si Joshua Garcia. Katunayan, sumailalim pa sila sa tinatawag na "sensuality workshop." Hindi kaya nagselos ang kaniyang nobyong si Khalil Ramos?

"In a [sensuality workshop], you get to be vulnerable [with your scene partner] without violating each other," paliwanag ni Gabbi sa "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Huwebes, kaugnay sa paghahanda na ginawa nila sa naturang proyekto.

Sa sensuality workshop, ipinapaalam ng aktor sa kaniyang kapartner kung saan lang siya komportable kung may gagawin silang intimate o kissing scenes.

"There's openness and safe space for you to tell your partner na, 'Ito lang 'yung comfortable ako,'" paliwanag niya.

Malaki umano ang naitutulong ng naturang workshop sa paghahanda ng aktor sa karakter na kanilang gagampanan.

Nagpasalamat naman si Gabbi na hindi seloso ang kaniyang nobyo na si Khalil.

“Number one hindi seloso si Khalil talaga. I’m grateful for it, I’m really, really grateful for it because he understands,” sabi ng aktres.

“He’s also an actor, he’s a very good actor. So he really understands, and ‘yun ‘yung isa sa mga pinakamaswerte ako and I’m really, really blessed because never siyang naging conflict sa relationship namin at all,” patuloy niya.

Kahit na nag-uusap pa rin sina Gabbi at Khalil tungkol sa mga ginagawa nilang proyekto, hindi na sila nagtatanungan kung mayroon pa silang kissing scenes.

“‘Oh we have this scene with this partner. This is the goal of the scene.’ ‘Okay. Alright.’ That’s it. Tapos na, end of story. We don’t even tell each other na ‘O may kissing scene kami today,’” paliwanag niya.

‘The One’

Para kina Gabbi at Khalil, sila na ang ‘the one’ para sa isa’t isa.

“Halimbawa if I were to ask you today, is he the one you want to live for the rest of your life?” tanong ni Tito Boy.

“Yes. Yes of course. As in no questions. No doubts,” anang dalaga.

Anim na taon na ang relasyon nina Gabbi at Khalil, at nagtambal na rin sila sa TV series na "Love You Stranger."

Kasama nina Gabbi at Joshua sa "Unbreak My Heart," Richard Yap at Jodi Sta. Maria, na collaboration project ng GMA Network, ABS-CBN, at Viu Philippines.

Mapapanood ito simula sa May 29, sa GMA Telebabad, Pinoy Hits, at I Heart Movies at maging sa GTV. --FRJ, GMA Integrated News