Masayang ikinuwento ni Kiray Celis na pumayag na ang kaniyang ina na magpakasal sila ng nobyong si Stephan Estopia.

“Bago ko bigyan ng P1 million ang mama ko, ‘Bawal kayong maglabas ah, kayong dalawa. Bawal.’ Noong nabigyan ko ng P1 milyon sabi niya, ‘Kelan kayo magpapakasal?’” natatawang kuwento ni Kiray sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Iba ang nagagawa ng pera. Mukhang pera talaga ‘yung mama ko. Proud ako, mukhang pera ang mama ko,” biro ni Kiray sa kaniyang inang si Meriam.

May paliwanag naman si Kiray kung bakit niya ito nasabi.

“Ang mga nanay, mga mukhang pera. Kasi sila ang nagpo-provide para sa buong pamilya. Sila ang nagha-handle ng pagkain, kung nangungupahan, upa. Ganoon ko ina-idol ang mama ko pagdating sa pera kasi kaya niyang dalhin ang buong pamilya,” sabi ng aktres.

Paglilinaw naman ni Tito Boy, “Medyo masakit ‘yung mukhang pera. Mahalaga ang pera para sa mga nanay because they can take care of the home.”

“Pero yung mama ko talaga mukhang pera. In a good way naman ‘yun,” sambit ni Kiray.

Bukod sa P1 milyon na birthday gift sa ina, sinabi ni Kiray na nabilhan niya rin ang kaniyang pamilya ng dalawang lote.

“This year nabilhan ko ng dalawang lote ‘yung mama ko, and ‘yung dalawang lote na ‘yun ‘yung unang beses napagawa niya agad. Hinihintay niya na lang ang malaking pera para mapagawa ang bagong lote. So ‘yan na,” ayon pa sa aktres.

Sa Instagram post, sinabi ni Kiray na kulang pa ang P1 milyon sa pagmamahal, pag-aalaga at pag-aasikaso na ginawa sa kaniya ng kaniyang ina.

“Wala kang hindi gagawin para sa pamilya?” tanong ni Tito Boy kay Kiray.

“Wala, Tito Boy,” saad ng Kapuso comedienne. -- FRJ, GMA Integrated News