Maagang tinupad ni Kiray Celis ang pangako niyang P1 million cash na regalo sa kaniyang ina na nagdiriwang ng kaarawan.

Sa Facebook video, inilagay ni Kiray ang pera sa supot na itinago naman sa loob ng helmet, at saka inilagay sa kahon.

Nagpa-contest pa muna kunwari si Kiray sa kaniyang mga magulang at ang kaniyang ina ang nanalo ng mystery box na kinalalagyan ng P1 milyon.

Ayon sa Kapuso comedienne, ipinangako niya ang naturang halaga sa kaniyang ina at sa June pa niya inaasahan na maibibigay ito.

Pero dahil naipon na niya ang pera kahit Abril pa lang, ibinigay na niya ito bilang regalo sa kaarawan ng kaniyang ina.

Gagamitin daw ang pera para sa pagpapagawa ng bahay na kanilang parerentahan.

“Sabi ko kay mama, June ko pa mabibigay,” anang aktres na hindi napigilan na maging emosyonal. “Pag meron ka palang goal tapos gusto mong maibigay agad, bibigay talaga agad ni Lord. Kaya di ko na inintay yung June, binigay ko na kaagad sa ‘yo, ma. One million—happy birthday mama."

Sa Instagram post, sinabi ni Kiray na kulang pa ang P1 milyon sa pagmamahal, pag-aalaga at pag-aasikaso na ginawa sa kaniya ng kaniyang ina

“[Akala] ko [June] ko pa mabibigay sayo. Pero nabuo ko na ng maaga. Worth it lahat ng pagod at paos ko sa lahat ng trabaho ko,” sabi ng aktres.

Umaasa si Kiray na maging inspirasyon siya sa ibang anak na katulad niyang nagtataguyod sa kanilang pamilya.

“[Kapag] napagod.. magpahinga lang tapos tuloy ulit! Para maibigay lahat at makatulong sa pamilya natin,” payo niya.

“Maliit man o malaki, basta galing sa puso ang tulong mo.. naappreciate yan ng mga magulang niyo. Mabuhay lahat ng bread winner na anak sa mundo!” dagdag ni Kiray.

Nauna nang naging kaugalian ni Kiray na regaluhan ng pera ang kaniyang mga magulang na ibinabatay niya sa edad ng mga ito. —FRJ, GMA Integrated News