Proud si Dingdong Dantes matapos na itampok ang kaniyang ad ng isang eyewear brand sa isa sa mga billboard sa Times Square sa New York, USA.

“Lumaki kasi ako sa New York, Cubao. ‘Yun ‘yung pang-asaran namin sa pamilya, ‘Uy Ma, nakarating na ako ng New York Times Square,’” sabi ni Dingdong sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado.
 
“I’m just really, really proud to represent the brand, hindi lang dito sa atin sa Pilipinas kung hindi pati na rin doon sa global stage,” dagdag niya.

Sa moving billboard, tampok ang tatlong larawan ng aktor kung saan makikita ang kaniyang pangalan sa ibaba.

“Who says you can't be in two places at once? One moment, I'm in Zambales shooting for Amazing Earth, and the next, my Police eyewear campaign photo is up on the Times Square billboard!” caption ni Dingdong sa Instagram.

Abala sa ngayon si Dingdong sa taping ng upcoming series niyang “Royal Blood.”
 
“Halos pumi-peak na kami sa Royal Blood taping. Kasi siyempre kapag nag-uumpisa ka, magwa-warm up ka, mangangapa ka. Ngayon talagang in the groove na kami,” sabi ni Kapuso Primetime King.
 
Abala ang taong 2023 para kay Dingdong, pero wala siyang reklamo dahil magaganda ang kaniyang mga proyekto.
 
Kahit na magkakaroon ng season break ang "Family Feud," magbabalik din ito agad, habang tuloy-tuloy ang "Amazing Earth," at malapit na ring simulan ni Dingdong ang "The Voice: Generations."
 
Bukod dito, may pelikula ring nakasalang para kay Dingdong, kabilang ang pelikula ng GMA Public Affairs na “Firefly,” at isa pang movie na ikasusurpresa ng lahat.
 
“Sana tuloy-tuloy na, especially sa movie dahil siyempre gusto natin mabuhay muli ang pelikulang Pilipino,” sabi ni Dingdong. — VBL, GMA Integrated News