Namaalam na nitong Miyerkoles ang main hosts ng “Eat Bulaga” na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon sa TAPE Inc., na nagsilbing tahanan nito ng 44 na taon.

Sa pamamagitan ng YouTube channel ng Eat Bulaga, inihayag ni Tito na hindi sila pinayagang umere ng bagong management ng naturang production company.

“Simula ngayong araw, May 31, 2023, kami po ay magpapaalam na sa Tape Incorporated,” saad ni Vic sa isang pahayag.

“Karangalan namin na kami ay nakapaghatid ng tuwa at saya mula Batanes hanggang Jolo at naging bahagi ng buhay ninyo. Maraming maraming salamat sa inyong lahat. Hanggang sa muli,” pagpapatuloy ni Vic.

Pinasalamatan ng "TVJ" ang dating President at CEO ng TAPE Inc. na si Mr. Tony Tuviera at ang mga manonood na walang sawang tumatangkilik sa longest-running noontime show.

“Ganoon din sa inyo, mga Dabarkads. Sa mga manonood, sa inyong pagmamahal, sa programang naging bahagi ng inyong tanghalian. Lubos din ang aming pasasalamat kay Mr. Tony Tuviera, sa pagkakaibigan at pagiging bahagi ng aming pamilya. At higit sa lahat sa Panginoong Diyos, na kahit kailan hindi niya kami pinabayaan,” sabi ni Tito.

“Ang hangad lang po namin ay makapagtrabaho nang mapayapa, walang maaagrabyado, at may respeto sa bawat isa,” sabi ni Vic. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News