Ibinahagi ni Romnick Sarmenta na isa na siya ngayong college lecturer, at ikinatuwang mahilig magpa-selfie ang kaniyang mga estudyante dahil crush siya ng kanilang mga nanay.

Si Romnick, 51-anyos na ngayon, ay nagtuturo sa Trinity University of Asia, kung saan naimbitahan siyang maging lecturer sa Media and Communication Department ng College of Arts, Sciences and Education.

Nagtuturo si Romnick sa kursong Writing Dramatic Materials for Broadcast Industry and the Emerging Media, at Behavioral and Social Change Communication.

“What's funny is that most of my students say ‘Sir, puwede ba akong magpa-selfie kasi crush ka ng nanay ko,’” sabi ni Romnick sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

"So mas feeling ko na safe ako dahil 'yung nanay nila ang may crush sa akin," biro niyang sabi.

Isa sa mga sikat na matinee idol noong 1980s, nakatambalan ni Romnick si Sheryl Cruz.

Napapanood si Romnick sa "Unbreak My Heart" kasama sina Jodi Sta. Maria, Richard Yap, Gabbi Garcia, at Joshua Garcia.

Ginagampanan niya ang role ni Mario, ang ama ng karakter ni Joshua na si Renz. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News