Inamin ni Abdul Raman na patuloy ang ginagawa niyang panunuyo kay Shayne Sava.  Inihayag din ng aktor ang "love language” niya sa dalaga.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, binisto ni Tito Boy si Abdul, taga-Marikina, na madalas itong magdala ng pagkain kay Shayne, na taga-Pasig.

Ayon sa kanilang dalawa, mahilig si Abdul na maghatid ng pizza kay Shayne.

“It’s my love language,” paliwanag ng binata.

“Patuloy ka pa rin na nanunuyo? Talagang sinusuyo mo pa rin si Shayne?” diretsahang tanong ni Tito Boy kay Abdul.

“Until now, until now,” sagot ni Abdul.

“And you’re not about to give up?” pagsegundong tanong ni Tito Boy.

“Never,” saad ni Abdul.

Inihayag ni Abdul ang “best thing” na naktia niya kay Shayne.

“Bukod sa mata niya. I just really love her really, really jolly personality and ‘yung genuine… I just love talking with her. ‘Yung personal moments namin na never napapakita on screen,” sabi ng binata.

Matatandaang magkasamang pumunta sa GMA Gala Night sina Shayne at Abdul.

Parehong naging contestant sina Shayne at Abdul sa StarStruck season 7 kung saan si Shayne ang itinanghal na Ultimate Female Survivor.

Parehong bida ngayon sina Shayne at Abdul sa Kapuso afternoon series na "AraBella." -- FRJ, GMA Integrated News