Pinangunahan nina Paolo Contis, Betong, at Buboy Villar ang pagbabalik-live on air ng Kapuso show na "Eat Bulaga" nitong Lunes, Hunyo 5, 2023.

Ilang araw na replay ang napanood sa naturang show matapos na kumalas sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at iba pang hosts sa TAPE Inc., ang producer ng "EB," na blocktimer sa GMA.

Kasama nina Paolo, Betong, at Buboy, na nag-host sa Eat Bulaga nitong Lunes, kambal na sina Mavy at Cassy Legaspi, at Alexa Miro.

Matapos ang kailang opening number na high-energy version ng "Best Day of My Life" ng American Authors, nagpalaro ang mga bagong dabarkads na iPhone 14 ang premyo.

Guest performer din ang local girl group na XOXO at si Kokoy de Santos.

Bago magsimula ang airing ng Eat Bulaga, nag-post sa Instagram Stories si Alexa ng larawan ng hilera ng mikropono na may mga name tag.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" noong Biyernes, ipinaliwanag ni GMA Senior Vice President Annette Gozon-Valdes na walang kontrol ang GMA Network sa sitwasyon na nangyari sa "Eat Bulaga."

"Kung may say control lang tayo, may say lang tayo sa mangyayari, siyempre hindi natin sila papakawalan. 'Yun ang term nila. Pipigilan natin sila. Susubukan natin gawin ang lahat para mag-stay sila sa atin kaya lang sa totoo hands off ang GMA diyan kasi it was an internal issue between TVJ and TAPE, Inc.," ani Gozon-Valdes.

Paliwanag pa niya, "We have to honor the contract as long as there is no breach of its provisions. Kasi you know iba ang contract, eh it has legal consequences."

— FRJ, GMA Integrated News