Pinabulaanan ni Nadine Samonte ang ilang usapin noon na nagkaroon sila ng tarayan ng StarStruck batchmate niyang si Yasmien Kurdi, at pareho nilang hindi gusto ang isa’t isa.

“I’m so happy Tito Boy, kasi bumabalik sa akin na magkasama kami noong StarStruck days,” sabi ni Nadine sa “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Kasi hindi nagbago si Yasmien, ganu’n pa rin siya, kalog, makulit. And siya pa rin ‘yung Yasmien. I felt comfortable with her talaga,” pagpapatuloy niya.

Kaya naman hindi aniya totoo ang mga usaping ayaw nila sa isa’t isa.

“No,” mariin sabi ni Nadine. “That’s not true. No, no.”

Wala ring katotohanan na nagkaisnaban sila ni Yasmien noong nagkukumpitensiya pa sila sa naturang Kapuso talent search.

“‘Yung mga taong sa paligid namin… Actually akala nila na nag-iinggitan kami, nagta-trashtalk kami sa isa’t isa. Pero no. Actually ‘yung mga tao sa paligid namin sila ‘yung pinipilit na siraan kami sa isa’t isa,” sabi ni Nadine.

Inalala rin ng aktres ang mga hindi niya malilimutang karanasan noong sumali siya sa StarStruck.

“Hindi ko makakalimutan Tito Boy, ‘yung magkakasama kaming lahat sa Baguio. Ang daming test and ang dami naming kailangang gawin as a group. Tapos noong natalo kami, lahat kami tatalon sa swimming pool na sobrang lamig. Kasi after no’n nagpantal-pantal ako,” kuwento niya.

Balik-showbiz si Nadine matapos ang halos ang 10 taong pamamahinga para sa upcoming Kapuso series na “The Missing Husband,” kung saan makakasama niya si Yasmien.

Co-stars din nila sina Rocco Nacino, Sophie Albert, Jak Roberto, Joross Gamboa, Shamaine Buencamino, Michael Flores, Maxine Eigenmann, Cai Cortez, Bryce Eusebio, at Patricia Coma.

Sa direksyon ni Mark Reyes, mapapanood na ang "The Missing Husband" sa GMA Afternoon Prime at Pinoy Hits sa Agosto 28, Lunes hanggang Biyernes ng 4:05 p.m. — VBL, GMA Integrated News