Inalala ni Tito Boy Abunda ang pagiging magkaibigan nila ng namayapang veteran broadcaster na si Mike Enriquez na isa sa una niyang sinabihan nang magbalik siya sa GMA Network.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, sinabi Tito Boy na magkasama sila ni Mike sa Kapuso network noong early 90s at napanatili nila ang kanilang pagiging magkaibigan ng "maraming, maraming taon.”

“Naalala ko po noong ako’y babalik na dito sa GMA-7, I remembered calling Mike and I said, ‘I have to tell you that I’m coming back to GMA-7, and what a shame it would be if I don’t let you know,’” pagpapatuloy niya.

Tugon naman kay Tito Boy ni Mike, “‘I would not have forgiven you had you not called me.’”

Paglalarawan ni Tito Boy kay Mike, “He was a lovely man. He was a wonderful, wonderful friend.”


Ikinuwento rin ni Tito Boy nang sabihin niya kay Mike na bumisita sa kaniyang show na “Fast Talk with Boy Abunda.”

“Sabi ko ‘Mike, sana kapag nagsimula ang ‘Fast Talk (with Boy Abunda)’ makabisita ka sa amin. It was a dream to do an interview with Mike Enriquez. Alam kong hindi natuloy, but he said yes, he would come to the show. Pero alam ko po na hindi na matutuloy, but he will always be in my heart, and he will always be in my mind,” saad ng King of Talk.

“Salamat at paalam Mike Enriquez,” pagtatapos ni Tito Boy.

Tunghayan ang tribute ng "Fast Talk with Boy Abunda” sa buhay ni Mike Enriquez, mula sa pagiging host sa radyo hanggang sa maging anchor ng mga programa ng Kapuso Network gaya ng "Imbestigador" at "24 Oras."

Pumanaw si Mike nitong Martes sa edad na 7. --FRJ, GMA Integrated News