Single ngayon si Herlene Budol matapos silang maghiwalay ng kaniyang nobyo dahil sa kawalan umano ng oras sa isa’t isa.

“Ngayon po wala po akong syota,” sabi ni Herlene sa panayam sa kaniya ni Jessica Soho sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

 “Siguro hindi lang kayang pagsabayin. Siyempre naka-focus ka roon sa kung paano kumita nang maganda para sa pamilya at sa future,” pagpapatuloy niya.

Nauna nang ikinuwento ni Herlene na nakilala niya sa isang dating app ang ex na niya na ngayong si Xam Troy Bello.
 
Ayon kay Herlene, napag-usapan nila ni Troy ang tungkol sa kanilang hiwalayan.

“Pero wala na po ngayon. Ang sabi namin ‘Saka na lang ulit tayo mag-syotaan. Ayusin muna natin ‘yung mga kaniya-kaniya nating buhay,’” saad ni Herlene.

Hindi man nagkatuluyan, sinabi ng “Magandang Dilag” star na nariyan pa rin sila sa isa’t isa para magsuportahan.

Matatandaang naging abala si Herlene dahil sa kaniyang pagsali sa mga pageant, nang manalong Binibining Pilipinas 2022 first-runner up.

Kinoronahan din siyang Miss Tourism Philippines sa Miss Grand Philippines 2023.

Bukod sa pageantry, bida rin si Herlene sa Kapuso series na “Magandang Dilag.” — FRJ, GMA Integrated News