Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, inihayag ni Rob Gomez na labis na niyang nami-miss ang kaniyang anak. Kasabay nito ang pag-amin niya sa kasalanan nang sabihin niya sa nakaraang panayam sa kaniya ng programa na single siya kahit hindi na.

Maging si Tito Boy, humingi rin ng paumanhin sa partner ni Rob na si Shaila Rebortera dahil sa naturang tanong dahil hindi niya alam ang tungkol dito.

Ayon sa King of Talk, maging siya ay nabigla nang lumabas ang kontrobersiya sa naturang panayam niya dahil kilala niya rin si Shaila.

BASAHIN: Rob Gomez, humingi ng paumanhin nang sabihin niyang 'single' pa siya

Nang hingan ni Tito Boy ng mensahe si Rob para sa kaniyang anak na si Amelia, saad ng aktor, "I miss you. I just want to be the best dad."

Dahil malapit na ang kaarawan ng bata sa December 5, umaasa siyang makikita niya ito.

Ayon kay Rob, lucky charm, stress reliever at strength niya ang kaniyang anak.

"I love my daughter so much," anang aktor.

Nagkaroon ng problema sa pagsasama nina Rob at Shaila, nang sabihin ng aktor na single siya sa nauna niyang guesting sa programa ni Tito Boy.

Ayon kay Rob, patuloy niyang inaayos ang relasyon nila ni Shaila, at nakikisa naman si Tito Boy na mangyayari ito.

Kabilang ngayon si Rob sa hit GMA afternoon prime series na "Magandang Dilag” na kasama si Herlene Budol. Kasama rin ang aktor sa cast ng upcoming primetime series na “Lovers/Liars.” --FRJ, GMA Integrated News