Matapos na unang kanselahan ang concert nila sa Singapore at Bangkok, Thailand, inihayag ng 1Z Entertainment na hindi na rin matutuloy ang concert ng SB19 sa Dubai.

Ang naturang mga concert ay bahagi ng Asian leg ng PAGTATAG! world tour ng SB19.

Gaganapin dapat ang Dubai concert sa November 24 sa Sheikh Rashid Auditorium.

Sa post sa X (dating Twitter) humingi ng paumanhin ang SB19 at 1Z Entertainment sa abala.

“Your continuous patience and understanding are greatly appreciated,” saad sa pahayag.

Kaugnay nito, patuloy umanong magsisikap ang grupo para sa mga susunod nilang pagtatanghal.

“Pablo, Josh, Stell, Ken, and Justin will continue to work hard and prepare for their future performances with positivity and gratitude knowing that they have your unwavering support and trust,” ayon sa kompanya.

 

 

Maaari nang mag-refunds sa Black Star Entertainment Production via email dubai.pagtatagtickets@gmail.com. Habang ang merch refunds ay sa pamamagitan ng uneckoproductionsmerch@gmail.com.

Sa kabila ng pagkakansela ng kanilang show sa Dubai, Singapore at Bangkok, may nakatakdang concert  pa ang grupo sa Tokorozawa Sakura Town sa Japan sa December 9.

Nangyari ang pagkansela sa concert kasunod ng pag-alis ng SB19 sa kanilang agency na ShowBT Entertainment. Inilunsad nila ang sarili nilang kompanya na 1Z Entertainment nitong October, na si Pablo ang tumatayong CEO.— FRJ, GMA Integrated News