Inihayag ng beauty queen-actress na si Herlene Budol na hindi siya "hayok sa laman" sa harap ng intrigang ikinakabit sa kaniya, pati ang salitang "kain" na viral online.

Sa kaniyang post sa X (dating Twitter), idinepensa muli ni Herlene ang kaniyang sarili dahil nadadamay siya sa isyu ng "mag-jowa na may anak."

Walang binanggit na pangalan si Herlene pero kumalat sa social media kamakailan ang umano'y palitan nila ng mensahe ng aktor na si Rob Gomez, na co-star niya sa "Magandang Dilag."

"Yung batuhan ng mga script para pang kabisado sa mga linyahan ay nahaluan ng mga joke at one liner tulad ng salitang 'kain' ganyan na agad ang tingin nyo sa akin," ayon kay Herlene.

"Sumakay lang ako sa mga joke dahil komedyante ako, kahit alam ko finiflirt ako," dagdag niya.

Sabi pa ni Herlene, "Opo, Squammy man ako sa paningin nyo. indi ako hayok sa laman. Produkto ako ng  broken family. Pinalaki ako ng lolo at lola ko (na)ng maayos."

Ayon kay Herlene, "Hndi ako ganung babae sa mga binabatikos sa akin," sabay sabi niya na may mga indecent proposal siyang natanggap pero hindi niya pinatulan.

"FYI naka dalawang National pageant na ako marami nag propose ng indecent proposal sa akin ng malaking halaga. Pero inicip ko nasa maayos naman karera ko at gusto ko pinag hihirapan indi yung one tym big tym," pahayag niya.

Aminado si Herlene, na hindi siya makapag-focus sa kaniyang trabaho dahil sa naturang isyu.

"Yung  tahimik lang ako at kaliwa't kanan babad ako sa taping. Yung d ako maka focus sa trabaho dahil sa issue ng  mag  jowa na may anak. Tapos malalaman ko nakaladkad na lang pangalan ko at binabash ako na wala naman akong ginagawa," sabi pa niya.

 

 

Babala ni Herlene, puwede niyang kasuhan ang naglabas ng naturang screenshot ng palitan ng mensahe dahil paglabag iyon sa data privacy.

Kamakailan lang, naging usap-usapan ng netizens ang umano'y mga palitan ng mensahe ni Rob Gomez kina Herlene at Bianca Manalo.

Pinapalabas sa nag-viral na screenshots ng mga mensahe na may relasyon si Rob kina Herlene at Bianca.

Bukod kay Herlene, itinanggi rin ni Bianca ang malisyosong pinakalat na screenshot na may mga inalis na bahagi ng  pag-uusap.

BASAHIN: Bianca Manalo, nagsalita na tungkol sa viral 'issue' na iniuugnay siya kay Rob Gomez

Sinabi naman ng aktor na may gumamit ng kaniyang cellphone nang hindi niya nalalaman. — FRJ, GMA Integrated News