Hinulaan nina Mikael Daez, Lexi Gonzales, at Buboy Villar ang ikapitong runner na posibleng pumalit kay Ruru Madrid sa ikalawang season ng "Running Man Philippines."

Sa “Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ni Mikael na hula niya na ang kaniyang asawang si Megan Young ang bagong makakasama ng grupo.

"Para double income," sabi ni Mikael, na hiniritan sina Lexi at Buboy na ililibre nila ang mag-asawa ng dinner kung si Megan ang mapipili.

Si Lexi naman, si Andre Paras ang nasa isip na magiging  ikapitong runner.

"Kasi na-enjoy din namin siya kasama sa Korea when he guested," sabi ni Lexi.

Para naman kay Buboy, posibleng si Miguel Tanfelix ito dahil sa “vibe” nito.

"Dahil wala siya ginagawa ngayon, puwede siya tumakbo," ani Buboy.

Bukod kina Mikael, Lexi, Ruru at Buboy, kasama rin sa Season 1 sina Glaiza De Castro, Angel Guardian, at Kokoy De Santos.

Si Angel ang itinanghal na kauna-unahang ultimate runner.

Kahit hindi na makakasali, tiniyak ni Ruru na magiging bahagi pa rin siya ng show sa pamamagitan ng isang special role.

Co-produced ng GMA Network at SBS Korea, ang Running Man Philippines ang local adaptation ng longest-running South Korean reality game show na "Running Man."-- FRJ, GMA Integrated News