Pormal nang ipinakilala ang sexy at sizzling Kapuso ladies na bumubuo ng “Sparkle 10,” matapos ilabas ang kanilang billboard at posts.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing inilabas na ng Sparkle GMA Artist Center ang billboard at posts ng Sparkle 10.

Binubuo ito nina Ashley Ortega, Angel Guardian, Elle Villanueva, Faith Da Silva, Kate Valdez, Lexi Gonzales, Lianne Valentin, Liezel Lopez, Rabiya Mateo, at Shuvee Etrata, na nanggulat sa kanilang kaseksihan suot ang kanilang swimsuit.

“Nanggaling din yata akong taping noon, tapos ang dami ko pang nakain few days before. So sabi ko ‘Paano na ito? May shoot na kami, kailangan naka-two piece. Makikita mo silang lahat may dalang saba, egg. Tapos the whole day akong hindi kumain,” natatawang kuwento ni Elle.

“Ang common denominator ng lahat ng girls is that we’re very confident. And I’m very grateful na lang talaga na kami ‘yung pinagsama kasi lahat kami nagtutulungang pasayahin ‘yung isa’t isa,” sabi ni Shuvee.

Sa kanilang pictorial, pinaangat ni Ace photographer Mark Nicdao ang kanilang kaseksihan at pagiging empowered.

Inilahad ni Mark ang kaniyang paghanga sa professionalism at pagiging endearing ng Sparkle 10 ladies.

Hindi rin maitatanggi ang kanilang confidence at humor.

Sinabi ng Sparkle 10 girls na hindi nila malilimutan ang kakaibang experience.

Bukod dito, nabuo na rin sa kanila ang tila isang sisterhood matapos ang pictorial.

Ang Sparkle 10 ang pinakabagong initiative ng talent arm ng GMA. Noong 2023, inilunsad din nito ang Sparkle Teens. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News