Kahit naghiwalay na, hindi kinalimutan ni Daniel Padilla na batiin ang kaniyang ex-girlfriend na si Kathryn Bernardo na nagdiwang ng kaarawan.

Nitong hatinggabi ng Martes, nag-post sa Instagram si Daniel ng isang graphic image nila ng dating nobya na may Japanese character na nagsasaad ng "Happy birthday to you.”

May sunflower emoji sa nakalagay sa ibabang bahagi ng kaniyang IG story na indikasyon na para kay Kathryn ang pagbati.

Nitong nakaraang Nobyembre nang ianunsyo ng dalawa ang kanilang paghihiwalay matapos ang 11 taong relasyon.

BASAHIN: Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, kinumpirma ang kanilang hiwalayan

Hindi nila binanggit ang dahilan ng kanilang paghihiwalay pero mapapansin pa rin ang respeto nila sa isa't isa sa kanilang mga inilabas na pahayag.

Ayon kay Kathryn, sinubukan nila ni Daniel na ayusin ang kanilang relasyon.

"[W]e ultimately had to accept that we can't go back to where we used to be. It just won't be fair to pretend that everything is still the same."

Nagpasalamat si Kathryn sa patuloy na suportang ibinibigay sa kanila ng fans habang pinoproseso nila ni Daniel ang kanilang break-up.

""Our love story began with respect and ended with respect," sabi niya.

Si Daniel, inihayag na mananatili ang pagmamahal niya kay Kathryn.

"Bal, ang pagmamahal ko sayo ay walang hanggan at walang katapusan," anang binata.

Dalawang buwan matapos ang kanilang breakup, inunfollow ng aktres si Daniel sa Instagram.--FRJ, GMA Integrated News