Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, binigyan ng pagkakataon ang mag-asawang sina Mariz Umali at Raffy Tima na sabihin ang hindi pa nila naitatanong sa isa't isa.

Kasal na sa loob ng 12 taon ang Kapuso broadcast journalists na sina Mariz at Raffy, at hindi pa sila nabibiyayaan ng anak sa ngayon.

"Kung sakali ba na hindi na tayo magkaanak, OK pa rin 'yon?," tanong ni Mariz sa kaniyang mister.
Tugon naman ni Raffy, "Of course OK lang 'yon. Kasi unang-una bilang si Mariz Umali, marami na siyang naimpluwensyahan, marami na siyang anak, Tito Boy."

"Marami siyang na-influence dun sa kaniyang magandang buhay, so ang dami naming tinuturing na mga anak-anakan at we're very proud of them. Mga naging kaibigan na namin sila," dagdag pa ni Raffy.

Samantala, tinanong naman ni Raffy si Mariz kung ano ang nakita sa kaniya, "na ako 'yung pinili mo?"

Ayon kay Mariz, nakita niya kay Raffy ang lahat ng katangian na hinahanap niya sa lalaki.

"Natatalinuhan ako sa kaniya pero I didn't know na sobrang funny rin pala niya," sabi ni Mariz. "So parang it's a complete package, everything that I need, everything that I want and everything that I hoped for and I prayed for, nasa kanya."

Kapuwa veteran reporter na sa GMA Integrated News ang mag-asawa. Host din si Mariz sa GMA News "Unang Hirit," habang isa sa mga anchor ng GTV news "Balitanghali" si Raffy.—FRJ, GMA Integrated News