Bago nagsimula bilang artista sa RVQ production ng King of Philippine Comedy na si Dolphy, naging isa muna sa mga sikat na ramp model noon ang action star na si Ronnie Ricketts.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi ni Ronnie na nagsimula siya sa pag-aartista sa "glamor" roles at "love teams" sa RVQ.

Kinalaunan, nalinya na siya sa mga action film dahil na rin kay Dolphy.

"Actually, Tito Dolphy was the one who discovered me sa action movies," saad ng aktor. "Nakita niya routine ko. Sabi niya, 'bigyan mo ng routine yung bata.' So nag-exhibition ako ngayon, Karate. Doon eko na-discover ni Tito Dolphy."

Pero bago naging artista, sinabi ni Tito Boy na naaalala niya na kabilang si Ronnie sa mga top model noon.

Ayon kay Ronnie, rumarampa siya noon sa mga malalaking hotel gaya ng Hyatt, Manila Hotel, at Silahis Hotel.

"Yun ang buhay ko nu'n, rampa-rampa," sabi ni Ronnie na isa ring martial artist.

Sa naturang episode ng "Fast Talk," nag-sample pa si Ronnie ng ginagawa niyang pagrampa noon at maging ang basic 101 sa martial arts. Panoorin. — FRJ, GMA Integrated News